Biyernes, Abril 27, 2012

Avengers assemble!


May nakilala akong superhero,  mabait siya at maka-Diyos. Kahit superhero na siya may takot pa din siya sa Diyos. Superhero siya para sa akin dahil siya ang nagbigay ng trabaho ko ngayon, nagpalakas ng loob, nagbigay suporta, nature ng mga hindi ko alam na bagay, nangaral at tumulong sa akin. Katrabaho ko siya at semi boss ko siya sa pinapasukan naming kompanya. Semi-boss kasi parang siya ang kanang kamay ng boss namin. Siya din ang nag-interview sa akin noong nag-aapply pa ako. Pinag-apply ako ng kaibigan ko sa kumpanya na kapareho nilang pinapasukan. Salamat din sa kaibigan ko na pinag-apply niya ako dito. Kung hindi din dahil sa kanya hindi ko makakasalamuhawa at makakausap ang sinasabi kong superhero. Babansagan ko na lang siyang “Avenger”. Oo  Avenger kasi isa lang siya, pero pag madami AVENGERS. Tinanggap niya daw ako sa kumpanya dahil daw naniniwala siya na kaya ko at may galing daw ako. Humanga agad ako sa kanya dahil pinalakas niya agad ang loob ko. At doon na    ako nagsimula sa trabaho.
Nagsisimula na ako. Siya ang trainor ko. Siya ang nagtuturo ng mga bagay na mang-mang ako. Kahit inaantok ako sa mga turo niya kung minsan nagtyaga pa rin siya. Sadyang matalino talaga si Avenger at talentado. Hindi lang pala sa trabaho ang alam niyang gawin pati rin pala sa mga bagay-bagay at masasabi nating Gift of God. Hanga din ako sa pagiging positibo niya sa buhay. Kahit alam niyang may mga ilang tao ang “insecure” sa kanya, hindi siya nagpapaapekto at naka-ngiti pa rin siyang naglalakad sa  aming tanggapan. Hindi ko pa yata siyang nakikitang nagagalit at maghubad ng maskara para sabihing “GALIT AKO!”.

Masipag si Avenger, trabaho kung trabaho walang oras na dapat palipasin, walang reports na dapat ma-delay.  Kung minsan nga halos wala na siyang pahinga sa kakaisip para sa trabaho. Matalino din kasi si Avenger. Sa pagkakaalala ko Cumlaude siya sa unibersidad kung saan siya grumadweyt. Alam ko yung unibersidad na pinagtapusan niya yung may taong nakahubad, yung nagpapakita ng bird. Doon pa lang hahangaan mo na siya. Matatalino kasi ang mga estudyante doon sa pinagtapusan niya. At CUMLAUDE pa siya? San ka pa. Avenger na!
Ayaw niya din may napapahamak sa mga kaibigan niya (kaibigan niya kaya ako?). Noong unang buwan ko kasi, sa hindi inaasahang pagkakataon. Na ospital ako  at na operahan. Tinggal ang appendix ko. Ilang buwan ako nagpahinga at tumunganga sa bahay para magpagaling. Kahit wala ako sa opisina at nasa bahay lang, si Avenger ay nag-aalala din pala. Tinatanong niyang madalas kung kamusta ang lagay ko at huwag ko muna daw piliting pumasok dahil baka mamatay ako. At sa kanya ko din kaunaunahang narinig ang “All happens for a reason”. Naghanap pa ako ng dictionary para lang malaman ko ano meaning ng sinabi niya. ALL – lahat, Happens – nangyayari, For – para, A – sa, at Reason – dahilan. Yun pala yun. Sa wakas na gets ko din. Salamat Avenger.

Magaling din siyang magligtas ng mga ka grupo. Meron kaming grupo noon para sa sportfest ng kompanya at kailangan naming maki-isa. Siya ang tumayaon pinuno ng grupo. Gumagawa din siya ng paraan para lahat ng aming kagrupo ay lumahok. Isang magaling na leader si Avenger at yun siguro ang nagtulak sa amin sa tagumpay para makuha naming ang tropeyo(tagay sa tagumpay).

Hindi maiiwasan na may makalaban si Avenger na galing sa outer space of Netherland. Si Okra. Ang malditang bakla na asar na asar kay Avenger. Insecure siguro kay Avenger kasi mas magaling si Avenger kaysa sa kanya. Saksi ako sa mga laban nila noon. Minsan kapag wala si Avenger tumitira ng Superhotissuenovachuchu si Okra. Nagkwekwento si Okra para siraan si Avenger at bilang tagahanga ni Avenger, ngumiti na lang ako. Kung tutuusin wala naming ginagwang masama si Avenger para sabihin ni Okra ang mga kasiraan tungkol sa kanya. Malditang bakla lang siguro talaga siya at hindi gusto niyang talunin si Avenger. Napakabait talaga ni Avenger  dahil kahit kailan hindi siya nagalit kay Okra sa halip pinagdasal na lang niya ito.

Ngayon si Avenger ay hindi ko na katrabaho umalis na siya dito dahil tapos na ang misyon niya dito kailangan naman niya sigurong tulungan ang ibang nangangailangan ng tulong.
Salamat Avenger madami akong natutunan sa iyo. Ituloy mo lang nag paglipad para Makita mo ang happiness mo. Kung kailangan mo ng tulong magiging AVENGERS kami para sa iyo. AVENGERS ASSEMBLE! Sugod mga kapatid isigaw ang kasiyahan ng buhay!
para sa mga nagbasa nito, kung gusto mong maging katulad ni Avenger, maging superhero ka muna sa sarili mong buhay, ayusin mo ang buhay mo bago mo ayusin ang buhay ng iba.


~~Super isip ipis (janz)~~

Huwebes, Abril 26, 2012

Please! You can't please everybody!



Siguro nga madaming tao ang hindi ka pa talaga kilala at hindi nila alam kung anong meron sa buhay mo. At malamang ang mga tao na iyon ay wala pang tiwala sayo. Kahit sino naman siguro hindi mo pagkakatiwalaan ang taong hindi mo lubusang kilala. Siguro iisipin mo na baka saktan o gawan ka ng masama. Pero bakit masama agad ang nasa isip ng karamihan pag-sinabing bago lang sa paningin ang tao? Malakas ang tingin natin sa negative side kaysa sa positive sides ng tao. Parang sa puting tela na konting dumi lang kahit kasing laki lang ng kuto ng mga surot eh kitang kita na at hindi na napapansin ang malawak nitong puti. Lahat ng tao nagmimistulang judge sa kanya kanya nilang pananaw. Yan ang tao mapanghsuga.

Sa isang sitwasyon. Maaga ang pasok mo kinabukasan at umaasa ka sa alarm clock. Natulog ka ng late sa normal mong tulog. Kinabukasan nagising ka ng late dahil ang alarm clock mo ay battery empty na. sino ang sisisihin mo? Syempre wala ka sa sitwasyon at ang sisisihin ay ang sarili pero kapag wala itong nababasa mo at naranasan mo iyon siguradong sisigawan mo ang alarm clock mo at mang-sisisi na ng kung sino-sino (INAY BAKIT HINDI MO SINABING WALA NA ITONG BATERYA! May masisi lang).
Bakit kaya ayaw nating harapin ang sariling pag-kakamali? Madalas natin nakikita ang ibang tao o bagay para lang masabi na mali sila at tama ka.
Sa buhay, konting pagkakamali lang lahat zero na at yun na ang tatatak sa isip ng ibang tao. Sa dami mong ginawang kabutihan sa isang pagkakamali lang sila nag-focus. Wala yatang ratio an gang pag-gawa ng mabuti sa pagkakamali. Basta pagmali ka mali ka na at mahihirapan ka na bumawi. Pwede pa naman baguhin ang pagkakamali pero mahihirapan ka na dahil iba na ang tingin sayo ng mga tao at iba na rin ang pananaw nila para sa iyo-----at ang pananaw na iyon ay sa pagkakamali mo.

Wala naman perpekto sa mundo lahat ay nag-kakamali din. Lahat ay pumapalpak. Lahat ay masama din na pag-uugali. Kumbaga sa organ ng tao hindi puro good bacteria lang kailangan din ng bad bacteria. Lahat ng tao ditto sa mundo ay may kasamaan at kung ang lahat ng tao ditto ay mabuti malamang wala ka na sa earth malamang ay nasa langit ka na.

Gawin mo kung ano ka at sino ka. Huwag kang mag-papaapekto sa kung anong pagkilala nila sa iyo. Hindi mo kailangan silang pakiusapan para sabihin na mali sila ng pagkilala sa iyo. Ipakita mo lang ito at mauunawaan na nila ang lahat.  Gawin mong makulay ang buhay mo sa pamamagitan ng kung anong gusto mo. Gawin mo kung anong magpapasaya sa iyo. Kung sira na ang pangalan mo para sa iba, ipakita mo na lahat ay pwedeng mag-bago at pwedeng linisin ang dumi na kasing laki lang ng kuto ng surot sa puting tela.


Mag-tiwala kayo sa akin! Tignan niyo lang ang positibong pananaw para sa inyo at mag-kakasundo tayo
ikalat ang magandang balita!




~~kahit isip ipis ako, ako pa rin si janz at ako pa rin ~~

Miyerkules, Abril 25, 2012

Batang-Manong

Ang dami na talaga sa atin ang batang-bata para sa gawaing matanda. Dahil siguro sa hirap ng buhay. Isang araw nakakita ako ng batang-manong, oo batang-manong, yung tipong bata pero katawan ay pang manong na. salat sa hirap siguro ang mga batang ganun o di kaya naulila at nabubuhay magisa. Mga sanay sa hirap at bigat ng trabaho. Nakita ko ang batang nasabi ko noong nakasakay ako as jeep. May bitbit siyang gallon ng tubig at nakahubad. Kitang-kita sa bata na batak sa trabaho ang katawan dahil sa nagmumurang muscles na dapat e pang matanda na. wala sigurong sariling linya ng tubig ang bahay nila kaya nagiigib na lng o di kaya inuutusan para mag-igib ng tubig tapos babayran siya.

Marami pa ang kaso ang batang-manong. Epidemya ito ng mga mhihirap. Imbis na maglaro at magsaya ang mga bata, nagtratrabaho na agad ito para sa pamilya. Ibat-ibang gawain nila para kumita. May nag-babarker sa jeep, nag-iigib ng tubig para sa iba, nag-lalako ng kung ano-ano, nagiging kargador sa palengke, “construction worker”, at iba pang pang-matatandang trabaho. Nakakaawa mang isipin na dapat sila’y nag-aaral at nag-lalaro, ngutnit kailangan nila ito dahil mas nakakaawa ang pamilya nila. Kalimitan mahihirap na buhay ang mga batang-manong. Marahil gustuhin man nilang mag-aral hindi pwede dahil salat sa pera ang pamilya at kailangan na nilang tumulong para mabuhay ang iba pa nilang kapatid o miyembro ng pamilya.

Tulad ng nabanggit ko sa blog ko na “VIDEO CAMERA”, sila dapat ang nasa loob ng bahay na kahon na may nagsasalitang malaking boses para naman makapagrelax sila sa pangmayaman nabahay na iyon. Mahirap talaga ang buhay. Pero sana naman huwag na madamay ang mga dapat eh mga walang malay tulad ng mga batang-manong.

Ang iba naman sa mga batang-manong e gumagawa na ng masamang bagay. Siguro pagod na sila gumawa ng bagay na tatagaktak ang pawis at mamumuo ang libag. Ginagawa nila iyon dahil iyon ang mas medaling paraan at mas malaki ang kita. Hindi na nila iniisip ang kapahamakan at mali ang ginagawa at ang nakasalampak sa isip ay kailangan mabuhay ang pamilya.

Wala na sigurong pagkakataon na umunlad ang buhay ng mga iyon pag-nagkataon. Bukod kasi sa hindi na nakapagaral may “bad records” pa sila. Kaya kadalasan ay nauuwi sila sa mga pagiging batang-ama. Siguro para takasan na din ang obligasyon sa pamilya nila at gumawa na lang sila ng sariling pamilya para na rin sa sariling kapakanan o kaya trip lang. Ang iba naman sa Droga tumatakbo at tatawagin ko na lang silang batang-Drogista. Iwas problema daw ito para kahit papaano makalimutan nila na mahirap sila at nagugutom na sila. At malamang nauuwi ito sa pagkakaadik at hindi na sila nagtratrabaho sa pamilya kung hindi para sa droga.

Nakakaawa ang mga batang maagang namulat sa tunay na buhay sa labas ng bahay ni kuya (mga mahihirap). Gustuhin ko man silang tulungan para Makita nila na kailangan mag-“focus” sila sa pangarap nila at lumayo sa magulong mundo ng kahirapan, hindi ko kaya dahil mahirap lang ako(pero hindi tulad nila). Sapat lang ang kinikita ko para magsandok ng pagkain sa kutsara tatlong beses sa isang araw.

Para sa mga batang-Manong, magsikap kayong lumayo sa mundo na kahirapan. Gamitin niyo ang talento at galling niyo para makaiwas dito. Huwag niyo sanang sirain ang sarili dahil sa paniniwala na wala ng pag-asa. Habang may buhay may pag-asa. (May bagyo daw sabi ng PAGASA)

marunong ka na bang mag-basa, batang-manong??



  ~~Batang-JANZ~~


Malaki ba ang problema mo?

Malaki ang aking problema basahin mo


PROBLEMA!

Oh di ba? Malaki?

Itong nag-daang araw ang dami kong problema at syempre hindi mawawala ang problema sa pera laging present yan pag-usapang problema. Lagi na lang pera ang nangunguna sa attendance sa problema. Pera na ata ang nagpapaikot sa tao at sa mundo. Sa pamilya pera din ang madalas pag-awayan ng mag-asawa. Kung wala kang pera malamang may problema ka at kung may pera ka man may problema ka pa rin. Hindi na yata natin matatakasan ang mga problema sa pera. Problema ang may pera ka, dahil problema mo kung saan dapat gastusin ang pera at kung wala ka namang pera, problema kung saan kukuha nito. Kung iisipin dapat unahin ang pangangailangan kaysa sa kagustuhan. Pero ang kadalasang nangyayari ay nauuna ang kagustuhan kaysa sa pangangailangan. Ayon sa professor ko noong nagaaral pa ako, unahin daw ang needs kaysa sa wants.

Utang na loob layuan mo ako utang! Nakakainis isipin ang mga utang mo. Masaya ka pag sasahod na at malungkot ka pagnaisip na ang utang. Para kanino at para saan ka ba nagtratrabaho? Ako para sa utang. Hanggang sa ngayon hindi pa rin ako nakakaipon. Nagkautang ako nung kelangan ko gumastos para sa trabaho, sa ospital (noong naospital ako) at umutang ako para pambayad utang. Ang kautangan ay nasa card din. Credit card. Sa pangalan pa lang ng card may utang ka na. Masaya mag-kaCredit card. Pwede ka kasi bumili ng items kahit wala kang pera. Yun nga lang hindi mo namamalayan na baon ka na pala sa utang. Naeenganyo ka bumili ng items na gusto mo kahit wala kang pera . pero sa kaduluhan baon ka na sa utang. Minsan ko na naisip na magkaroon ng ganun na card. Pero napagisip ko magkakautang at magkakautang lang ako pag nag karoon ako ng ganun.

Sa nabasa ko isang pocketbook na pang negosyante, bayaran mo muna daw ang sarili bago ang ibang bagay. Ibig sabihin, mag ipon muna bago bumili ng kung ano-ano. Sa ngayon hindi ko nagagawa ang ganyang bagay. Inuuna ko muna ang utang ko. Mas mabuti na sigurong walang utang. Walang utang walang problema. Maluwag sa dibdib.

Pautang naman ng kakayahan mong magbasa. Promise !, babayadan kita ng pagmamahal





~~janz~~ (lubog sa utang)


Linggo, Abril 22, 2012

Tinadhana ko ang ikatatadhana mo na basahin mo ito


Wala akong ma Blog. Kaya naisip ko na gumawa na lang ng kahit anong pwede kong ilathala. Hindi ko na naman mahabol ang utak ko. Ang hirap mag-isip lalo na kung yung utak mo wala sa ulo mo. Ang daming gumugulo sa isip ko ngayon at ewan ko kung bakit. Nagproprotresta ata ang ang gusto kong mangyari at ang dapat na mangyari. Destiny nga ba ang mga dapat mangyari? Pwede bang baguhin ito?

Magulo ang usapang destiny (hindi cable ito reminder lang). pwede bang baguhin ang nakatakda at kung may nakatakda nga ba? Alam nyo ba ang final destination na pelikula ng mga amerikano? Sa kwento, yung bidang lalaki, alam niya kung anong mga mangyayari sa hinaharap. Pinipilit niya itong baguhin at ilihis ng landas sa kagustuhang ayaw niyang mamatay kung sino man ang nasa pangitain nya.

Naguguluhan ako na tadhana nga ba na malaman niya ang mga nakatadhana para ibahin ang tadhana? May karapatan nga ba tayo na ibahin ang tadhana? Tayo ba ang gumagwa ng tadhana? O ang tadhana ang gumagawa ng ikatatadhana natin? Nakaprogram na ba ang mga mangyayari sa atin? Bakit ayaw paalam ng nagprogram ang mga mangyayari?

Ito para sa akin lang ah, (hindi ako lashing pre). Siguro nga totoo na may nakatakdang bagay na nakatadhana para sa atin. Pero tayo din ang gumagawa at humuhulma ng tadhang iyon. Kung ano man ang nagawa natin sa nakaraan natin at sa ngayon may malaking epekto ito sa kinabukasan. Hindi mo pwedeng baguhin ang tadhana mo basta-basta dahil malaking kasapi din sa tadhana mo ang mga tao, bagay, hayop, pangyaayri, lugar atbp. Lahat ng bagay na nagawa ay may bunga masama man o hindi. Hindi rin ako naniniwala sa mga sinasabi ng mga tao na “kung mamamatay, mamamatay”. Kung mamatay ka man, ito ay hindi tadhana. Ito ay bahagi sa mundo, ang mabuhay at sa kaduluhan ay mamatay yun nga lang may namamatay ng mabilis at may namamatay ng matagal. Ang buhay ay hiram lang natin. Binigay ito para sa kung anung meron sa mundo na dapat ay pinapalagahan. Hindi ang Panginoon ang nagbibigay ng tadhana. Nasa atin pa din ang tadhana (nasabi ko na kanina). Nasa Diyos ang awa nasa tao ang gawa. Wala ng magagawa ang Panginoon kung yun ang gusto mong gawin.

Isang   araw, may nasagasaan sa daan na motorista, patay at bali-bali ang mga buto. May mga taong nagsabi na katapusan na niya talaga. Naiisip ko na hindi siya mamamatay kung hindi siya nagmotor at kung  hindi siya nagpadalos-dalos sa pagmomotor. Sa bandang huli siya din ang may kasalanan. At hindi niya tadhana ang mamatay dahil sa motor. Siya din ang gumawa ng ikatatadhana niya na mamatay sa motor dahil sa mga bagay na maling desisyon at maling pananaw. Tadhana niya siguro ang bumili ng motor at hindi mamatay dahil sa motor (gulo pa rin talaga ng Tadhana na yan).

Sa love kaya. Tadhana nga ba na ang kapartner niyo ang siya talagang makakasama habang buhay? At kung kayo, kayo? Hindi ako naniniwala sa ganyan. Nasa inyo pa din yan kung gugustuhin niyo. Kung talagang nagmamahalan kayo, malamang hindi malabong kayo na talaga. Hindi nakukuha sa mga signs ang lahat para masagot ang katanungan na siya na nga talaga. Isipin mo, humingi ka ng signs at ang signs na naisip mo e, bigyan ka niya ng mamahaling tsokolate. Kung hindi nasunod ang signs ibig sabihin ba nito na hindi siya ang taong para saiyo? Alam mong mahal na mahal ka niya at mahal mo din siya ngunit hindi nasunod ang signs. Para saan ang mga bagay na hiniling? Para patunayan na mahal ka nga talaga niya? Mali. Wrong. Palpak. Hindi nasususkat ang pagmamahal sa material na bagay. Itoy nasusukat kung talagang totoo ka sa kanya at mahalaga siya para sa iyo. Destiny nga ba kayo ng partner mo o   ng taong mahal mo at akala mo mahal ka? Yung tipong lagi kayong pareho ng damit kahit na hindi sinasadya at lagi kayong nagkakabanggaan tapos pupulutin ang mga nalalaglag na gamit at magtitigan at sasabihing sorry. Lahat ng yan ay nagkakataon lang at ang iba ay sinasadya para isipin ng iba o ng gusto ay destiny nga talaga kayo. Nagkakataon lang ang mga bagay na inaakala nating nakatadhana. Lahat ay may dahilan kung bakit nangyari. Pag sinabing kung kayo, kayo talaga at sa bandang huli kayo nga talaga ibig sabihin mahal nyo mga talaga ang isat-isa. Tayo ang naghahanap ng destiny natin.

nakakatamad na talga!

sino kaya ang nakatadhanang babae para sa love life ko.?

ay oo nga pala, ako mismo ang makakasagot niyan.
hanggang dito na lang muna mga kaibigan, gagawin ko muna ang tadhana ko at kelangan ko ng tulong niyo, ang ginagawa kong tadhana ay hanapin ang babaeng nakatadhana para sa akin. Tulungan ninyo ako mag hanap ah.
salamat!

~tinadhana ni janz ang blog na ito para basahin mo~~

Biyernes, Abril 20, 2012

IDOL angkinin mo na ako!

Madami akong hinahangaan na sikat na tao. Madami din akong bagay na kinaaliwan ko pag-sila ang nakikita at gumagawa ng kung ano man ang kinahahangaan ko sa kanila. Madami din akong gustong gawin para masabihan din akong idol (pero sa labas lang ng bahay namin e may tumatawag na sa akin ng idol hindi ko lang alam kung hanga sila sa akin o tawag lang). Iba ang Idol sa Crush. Ang Idol ay paghanga din tulad ng crush, pero ang Crush ay may halong pag-nanasa ngunit ang Idol Pag-hanga na may halong pang-gagaya.

Madami sa atin ang sikat na atin namang iniidolo ngunit alam niyo bang ang mga idolo natin ay may idolo rin. Tulad ko, Idol niyo ako ngunit may idol din ako (kapal ko?). Sa isang pagkakataon nalaman ko ang idol ko na graffiti artist eh may idol din pala at ang idol niya ay ginawa ko na ding idol. Pero sino ang idol ng idol ko ang ginawa niyang idol?.

Pag-sinabi mong idol mo ang isang tao malamang gagayahin mo siya at bibili ka ng kung ano man ang meron siya. Hindi maalis ang pang-gagaya sa idol mo. At hindi rin maalis na halos gawin mo na siyang Panginoon.

Isang beses ng mapagtripan kong mag-Bus na lang sa EDSA pauwi galing trabaho (dami kasing Spartan sa MRT), May pinapanood silang foreign films at patapos na. Pagtapos noon, sinalang ni manong kundoktor ang CD ng concert ni Michael Jackson. Unang bumungad ang sandamakmak na tao na tagahanga niya.Sobrang dami talaga na daig pa ang dagat ng basura sabi ni Manny Villar. Sa sobrang dami, hindi maiiwasan ang magkasakitan, ang iba ay naipiit, hinimatay,  nahubaran at iba pang pwedeng ikamatay. Tama nga ang hinala ko may namatay sa concert na iyon. Isang katabi ko ang nag-sabi na may namatay daw sa concert na yun. Hindi ko lang maiisip na handang ibigay ng mga tao na yun ang buhay nila  para lang makita na nagsasayaw at kumakanta sa intablado ang idolo. Meron pa ngang naiiyak, siguro hindi sila makapaniwala na napanood nila ng live ang idolo at meron namang nagpipilit umakyat ng intablado.

Hindi naman masama ang magkaroon ng idolo pero sana naman huwag kang makipagpatayan para lang sa kanila. Tao lang din ang iyong idolo at hindi Diyos na sinasamba. Hindi rin namang masamang mang-gaya pero lagi dapat isipin na sa kanya ang ginaya at hindi sayo. Sabi nga ni Heber huwag tayong mang-gaya kung hindi mo rin kaya at kung mang-gaya ka man siguraduhin mong mas maganda sa kinopyahan at matinong-matino (kanta ni  Francis M).

May mga idolo akong ginagaya ko din kung minsan pero hindi ko sinasamba. Bumibili din ako ng kung anong meron siya. Pero kahit minsan hindi sumulpot sa utak ko na makipagsiksikan, tulakan, suntukan, o agawan para lang sa kanya. Tao lang din siya nagkataon lang na magaling at kakaiba ang talento niya bilang tao. Lahat naman ng tao may talento kelangan lng madiskubre ng ng mismong ikaw. Mas masarap sigurong sumikat at kilalanin ng mga tao ang talagang ikaw.


Malaking impak talaga sa tao ang pagkakaroon ng idolo. Nagiging inspirasyon natin sila at tinutularan at hindi natin namamalayan na nahihigitan na natin sila.

Ang pinakamahalaga sikat ka man o hindi,  kelangan gusto mo o masaya ka sa ginagawa mo at hangat maari huwag makakasakit ng kapwa para lang sa minimithi.

~~idoljanz~~

Miyerkules, Abril 18, 2012

Tropang Texters

Panalo na naman ang Talk n' Text Tropang texters kagabi sa Big Dome. Magaling talaga ang team na yun. Pero ang tanong ko lang, totoo bang Texters ang mga player ng Talk n' Text Tropang Texters?. Kailangan bang Texters ka bago ka maging Player ng Talk n' Text?. Isipin mo na lang si Jimmy Alapag star player nila ang nag-text.

Jimmy Alapag : mGa tRhopA.. mAy PhWakTizS dHaw SaBi ni CoaCh.. PhupunTha VhWa kHeO??! AcoH PhUpHunTha. JEJEJE!

GM, Lil MHasTah JimMhY : >

Isipin mo ganyan sa team nila. Naisip mo na?? AnG VhAdOuy Noh??!
Bakit kaya kelangan pang pahabain o paartehin ang simpleng salita??
Bakit kaya kelangan pang baguhin ang Spell??
Bakit kelangan Maganda ang Design ng Text?

Para siguro sa mga kabataan na boring ngayon sa kung anong issue sa bansa, pinapaarte na lang nila ang spell sa pag-ti-text at nilalagyan ng mga burloloy ang mga salita o letra para magkaron ng buhay at hindi magmukhang suicide note ang message. Para din siguro ipakita sa ibang katext na Artist din sila sa larangan ng text.



Nauso din ang Clan sa Cellphone. Ito yung grupo ng mga masisipag magtext ng magtext. Kalimitan ang kasali dito ay mga kabataan at ang mga pasimuno ang mga medjo katandaan na naghahanap ng GF/BF (napansin ko lang.hehehe joke lng  yun). Meron din itong Pinuno o Clan Master at Meron din itong mga ibat-ibang position para sa ikauunlad ng Clan (parang promotion sa Kumpanya o di kaya parang PTA sa iskwelahan). Ang mga kasali dito ay may mga Codename at kelangan talaga ang aktibo sa pag-ti-text. kailangan din ang tags mo kung ano man ang gusto ong sabihin kasama ang codename. Kailangan din alam ng lahat ang nais mong sabihin ito ang tinatawag na "GM" oh Group Message. Malalaman mong GM ang text na iyon pag may nakalagay na "GM" sa last part ng text nila. Meron din "PM" Personal Message ito ay pangmag-Jowa, magbestfriend o di kaya pang-mag nanay. Meron din silang tinatawag na Eye-ball o"EB" for short. Ito ay ang pagkikita-kita sa isang lugar ng mga ka-Clan kalimitan inuman session ang nangyayari (minsan tirahan session din). Depende sa napagusapang araw, oras at lugar magkikita-kita ang buong myembro ng clan. Dito na sila magkakakilala-kilala at makakahanap ng pwedeng asawahin. Oo asawahin. Meron akong kaibigan ang mahilig sumali sa mga ganitong grupo at dito din siya nagkaka-girlfriend kadalasan at ngayon, ka-clan nya lang asawa na niya. (Love is in the Clan)

Minsan na rin akong sumali sa Clan trip lng. Ang code name ko ay "gagambala".
at laging nakalagay sa tags ko ang katagang "ako si gagambala at gagambalain ko kayo".
Saglit lang ako sa Clan as in saglit lang. Minsan pag-pasok ko sa Clan lahat sila nag welcome, syempre nagpasalamat ako at ang sabi ko "salamat sa nag-welcome, QUIT na ako". Ang daming naiinis at natuwa sa kagaguhan ko. Ayoko naman kasing sumali sa Clan. unang-una mabilis makalowbatt ng CP kasi maya't-maya ang text ng mga ka grupo. Istorbo sa gawain at gastos sa pangload para lang itext sa kanila kung ano ang ginagawa mo.

Meron akong kakilala na hindi naman ganun kagandahan, Social Climber lang talaga at inis na inis ako sa mga GM nyang walang kwenta (partida hindi na Clan ito). Nagtataka lang ako kung bakit kelangan pa niyang sabihin kung nasaan siya at kung anong kinakain at ginagawa niya. At napansin ko na lahat ng sinsabi niya ay pang sosyal na buhay. Hindi ko tuloy alam kung nagyayabang o nagsasabi lang siya ng totoo. Bakit kailangan pang sabihin na masarap ang kinakain niya at mamahalin at sabihin din ang magandang lugar at kung saan ang next na pupuntahan niya.Ganito ang kadalasan niyang sinasabi. kaibigan : "yum yum, Donut and Slurpee for merienda and I will buy Magnum chocolate ice cream (isang mamahaling ice cream na hindi man lang nagwelga ang mga tao at sa konting taas ng presyo ng langis, e welga na agad) GM. At ito pa. "Here at Tagaytay and tomorow will go to Bagiuo". Kailangan ba talaga ipamukha sa mga kaibigan o kung sino pang nasa phonebook ng CP niya ang mga ganung bagay. At kelangan siguro na mainggit ang mga kaibigan o kung sino pang nasa phonebook ng CP niya. Hindi ko alam kung nagyayabang o nang iinggit na nagsasabing "belat mahirap ka ako lang nakakagawa nito".

Isa pa pong kwento huwag ka muna matulog. Lalaki naman ito at kaibigan ko. Texters din. Itong lalaking ito ay mahilig naman magtext nang kung ano ang ginagawa at gagawin. tulad halimbawa nito. Tropa ko : "Wooooh! kakapagod, dito ako sa trabaho ngayon. Tpos na sa gawain at ngayon ay kumakain na ako. kain na din kayo. pagtapos ko kumain pupunta pa ako sa 2nd floor para mag papirma at at kakatok ako ng tatlong beses..   GM ". Araw-araw ganun ang gawain niya, "ang magtext ng gagawin at ginagawa". Ang tanong ko lang bakit pa kailangan sabihin sa mga kaibigan o kung sino pang nasa phonebook ng CP niya ang mga gagawin at ginagawa??. Para siguro ipaalam sa mga kaibigan o kung sino pang nasa phonebook ng CP niya na kaya niyang mag-multi-tasking. Biruin mo naglalaba habang nag-ti-text, o di kaya naliligo habang nag-te-text. Marahil Diary nya rin ang CP niya yun nga lang ang mga kaibigan o kung sino pang nasa phonebook ng CP niya ang mga readers.

Gamitin natin ang Cellphone sa matalinong paraan. Huwag sana tayong mag-aksaya ng panahon  sa mga walang kwentang text na hindi naman interesado kung sino man ang nasa phonebook ng CP nyo. Gamitin natin ang CP sa panliligaw, panloloko upang magkapera (joke lng), ikalat ang magandang balita, ikalat ang mga announcement at kahit ano pang alam nyong dapat ipasa sa iba. At hangat maari wag natin gamitin ang CP sa pagbibigay ng bomb treat na hindi naman natutuloy (nakakasira ng araw).


yun lang ang gusto kong sabihin

"aQhoe c GaGamBaLa at GhAgHamBhaLaiN CoH KeU!!


~~GM~~





>>>Janzisisipipis!




Martes, Abril 17, 2012

nakakapagtae! nakakapagtaka

ito na!! wag kayong magulo! natatae na ako! sa loob ng maikling oras maiisip ko ito, hinabol ko, hinabol ko hinabol ko ng hinabol ang isip ko.. ayun naabutan ko ng utak ko ang tae ko.. natatae na ako, at nakakapagisip pa ako ng ganito! tangina kasing alak yan nakakapag tae.. hahahaha.. samahan pa ng hotdog sandwich sa seven eleven, at cheese with tinapay,,

wait lng takbo na ako, natatae na talaga ako..  hulaan nyo kung gaano kadami at anong kulay,, pati haba hulaan nyo na rin,, gusto ko na umupo, may tao pa sa CR, paano ito..
o sige ito na tatae na talaga ako, namamaho na eh .. nagkaka Igit na ako! wahaha yung brief na may halik ng tae!!

cge na. tatae na ako.. ito na bye!!~

~janz! hihihi (.!_!.)

MAG-INGAT SA SURVEILLANCE CAMERA, KITANG -KITA KA!

Video Camera

Anu ba ang  Video Camera?
ang alam ni Wiki, A video camera is a camera used for electronic motion pictue acquisition, initially developed by the television industry but now common in other applications as well.
Para sa mga sang ayon na "OO, kelangan maging OA (over acting)", kelangan nga siguro para mas mapaganda at mag-karoon ng dating sa mga manonood. Oo nga naman kelangan nga yun para ma-attract ang mga manonood na panoorin ang pag ka OA ng kung sino man ang nasa palabas o kinukuhanan ng VodeoCam. Mas OA mas Cool tapos iiyak din ang mga manonood kung ito ay madrama at tatawa ang mga manonood kung OA ang patawa. Sa na panood ko sa isang reality show sa kung ano mang network yun, ang OA as in OVER ACTING talaga ang mga nasa loob o naipasok ng hindi natin alam kung sinadya o nakapasok lang talaga sila sa kahon na parang BAHAY na nilagyan ng mga VideoCam. Nakakatawa lang isipin na napahinto at napaupo ako para panoorin ang reality show na yun na ayoko naman panoorin. Pinagmasdan ko mabuti ang mga nasa loob na parang nanonood ako ng mga isda sa aquarium na may mga goldfish yun nga lng hindi mo pwede utusan hindi tulad sa kahon na parang bahay may sarili silang Panginoon(pero Kuya ata nila yun) na nag sasalita pero hindi nila nakikita at parang kunsyensya nila sa pandinig na uutusan ka ng kung ano ano at paghindi mo nagawa bahala ka na sa buhay mo basta paglabas mo pwede ka na sa show business. Matira matibay sa loob ng kahon. Kung magaling at madiskarte at mabait at maganda/pogi at hindi ka i-bo-vote out ng mga taong kasama sa kahon na prang bahay o ng taong bayan malamang isa ikaw ang magwawagi. Pero paano ka nakakasigurado na mananalo ka, kung hindi mo alam na pwede pa pa lang bumalik ang natanggal na at hindi mo din alam kung binoto ka nga talaga ng taong bayan. Kelangan mo siguro ng isang milliong kamag-anak para magtxt ng magtxt para magwagi at matupad ang pangarap na IKAW ANG PINAKA-MAGALING NA UTO-UTO.

Kung tutuusin napakadali ng pinapagawa ng Boses sa loob ng bahay, pero nahihirapan pa din ang mga nasa loob at alam ko kung bkit.. hindi ko sasabihin, ayoko nga,. sige na nga! Kasi ganito yan, kalimitan  mayayaman ang mga nasa loob, mga hindi sanay sa hirap ng buhay at sa pag-kakaalam ko may mga yaya sila.

Sabi nila gusto nila ipakita ang kabataang Pinoy. Kaya para sa akin ang mga kabataan na dapat ipasok sa loob ng bahay eh yung mga tulad nito:
batang karpintero
Rugby boys/girls
batang pokpok
batang col-boy
batang ama (excempted si Angelito)
batang ina
mga walang magulang
mga mahihirap na bata
mga payatot
mga may putok
mga may galis
mga anak sa labas
kalakal boys
atbp.

Sila dapat ang nasa loob ng bahay. Sigurado ako makikita talaga ng mga tao kung ano ang kabataan sa ngayon. Pwede rin kasi nila maranasan maging isang marangyang bata. Hindi tulad ng mga nasa Loob ng bahay ngayon doon sa kahon na parang bahay, e ang o-OA, napakadrama sa buhay at ang aarte. Pero kung yung mga nabanggit ko sa itaas ang naroon, sigurado ako magandang eksena ang makikita nyo at yun ang Reality show at walang halong OA.

Ang tanging hiling ko lang sa loob ng bahay na yun ay magpakita na yung nag-sasalita (yung malaking boses na mababa) para malaman natin kung kunsesya nga ba siya o nang-uuto lang siya o siya ang mag-liligtas sa atin sa tiyak na kapahamakan. At sana wag naman siya sa loob ng bahay mag utos sana sa labas din, doon sa mga walang ginawa kung hindi mag hintay ng pera.
Readers!!
Pumunta kayo sa Confession room!
doon sa malapit na simbahan nyo, Magdasal kayo at Magsisi sa mga kasalanang nagawa sa buhay!



~Janz!! (sana Big talaga si Kuya) :(

Grapista

"Paano mo nagawa yang drawing na yan sa pader??" 
Isang tanong na nagpadilat sa akin, isang tanong na sumira sa natutulog kong diwa. Naguluhan ako ng marinig ko ang tanong na Paano ko daw nagawa ang drawing na yan sa pader, gusto ko sanang sagutin ng "syempre may kamay at utak ako" pero parang ang babaw ng ganun. Alam ko sa tanong nya gusto nya ng malalim na sagot sa malalim nyang tanong. Tinanong ko ang sarili ko, sabi ko, "Janz, Paano mo nagawa yan??, Siraulo ka ba??". Ang hirap sagutin ng tanong. Pero napag-isip ko, may talento ata ako. Siguro yun nga talaga ang sagot.
Sa pag-guhit sa pader o pag-pinta sa pader ay isang mahirap na gawain. Kelangan mo dito ng tyaga, talento, malawak na imahinasyon, at higit sa lahat kelangan mo ng tungtungan, paint brush, pintura, tubig, spraypaints, pagkain kung kinakailangan at pinaka importante ay ang lakas ng loob, lalo na kapag ilegal ang gagawin mong obra. Grapista ang tawag sa mga taong nagsusulat at nagpipinta sa pader o kahit san man sa lansangan gamit ang mga pintura, lalo na ang spray paints. Magastos ang gawaing ito, kealangan mo ng pondo para makabili ng mga spraypaints o kahit ano pang pwede gamitin sa pagpipinta. Ang iba sa mga artist na ito ay talagang mayayaman at may mga kaya sa buhay. Kaya nilang bumili ng mga gamit ng walang panghihinayang.
Ang mga Street Artist ay ang mga taong malalakas ang loob at mabibilis kumilos ang utak at ang kamay sa pag-pinta. Mas mabilis mas maliit ang pagkakataon na mahuli ng pulis o kahit sino man ang naroon. Kadalasang madaling araw ginagawa ang gawaing ito kung kailan mahimbing pa sa pagkakatulog ang mga tao.  Mas maganda mas kamangha-mangha para sa mga tao. Napakahirap ng gawaing ito dahil napapangunahan ng kamay ang utak at kadalasang hindi nagagawa ng maayos ang balak ipinta dahil napapangunahan ka ng takot at kaba. Sa madaling salita, napaka hirap magfocus sa ginawa at malamang hindi ganun kaganda ang kalalabasan. Pero kung nasabayan ng utak at bilis ng kamay ang kaba sa dibdib at takot makakagawa ka ng malupet na artwork sa lansangan. May mga nagsasabing may Gang ang mga artist na ito. Pero hindi lahat ay nasa Gang. ang iba dito ay para ilabas ang saloobin para sa Tiwaling Gobyerno tulad ng mga aktibista. Meron din naman na natural lang na Street artist. At meron ding Trip lang.

Sa Street art, Pwede kahit ano, pero ang kadalasan dito ay Characters o yung mga Drawing ng mga halimaw o ibang creatures na nagpapakilala na sila ang gumawa noon at meron din naman na Writers, ito yung mga Letters ang ginagawa depende sa Codename nila. Sa  pagsulat may ibat-ibang klase, tulad ng tags o simpleng sulat lang ng codename nila o Throw-ups, na malalaki at kalimitan ay may kulay ito.  Meron din naman ang mix, na parehong Letters at Characters ang ginagawa depende na lng sayo kung gusto mo. Kalimitan nadadaan sa Ganda ng kulay ang gawa, lalong-lalo na kung magaling kang mag kombina ng kulay sa gagawing painting.
Ang iba naman sa detalye at ang iba detalye at pagkulay (yun ang malupet) pero pinaka malupet, konsepto+detalye+kulay = pinaka malupet!

ito na ang pinakasagot sa katanungan mo!

Naniniwala ako na kulang sa kulay ang mundo ng lansangan at kelangan itong pintahan para magkabuhay
. Hindi masama ang Street art, ito ay ART, yun nga lang isang malaking canvass ang lansangan at pader.

Gusto ko din maging malupet! pero wag na lng pla. hehehe! tama na sa akin ang Mabait!


nasagot ko na kaya ang tanong niya?

~Janz,. (bahala na kayo umintindi, hahahaha)

Lumahok kasama ang basketball ng buhay

paligsahan..

Mahilig ba kayo sa mga Liga ng Basketball??
kasi ganito yan....

May nagkwento sa akin na edad 21. Ang kaunaunahan nya daw sa pag sali sa liga ng basketball ay noong edad 9 pa lng siya, jersey no.6. Half-court Game, Yellow team. Pangatlo lang daw sila at sa buong game meron siyang ANIM na puntos (galing noh?). Yung taon na ding yung, Napasabak na din siya sa Whole-Court Game. Green team. Jersey no.6 ulit. Sila daw ang pinaka kulelat sa lahat ng teams at sa buong laro meron siyang 2 points. Edad 10 sumabak ulit sa Liga. Half-court ulit Blue team (trailblazers blue team), Jersey no.1. 3rd place ulit daw, 12 points daw ang nagawa niya. At may kwentong nakakahiya pa siya. Umiyak daw siya noong binangko siya dahil ang dahilan nya ang manager daw ang nanay nya. Nagalit din daw siya kasi iba yung nagcoach sa kanila. Sumali din siya sa Whole-court Game. Tulad ng dati Green team at same coach. Medyo nag-karoon ng pagbabago sa laro nya. nakakapuntos na siya ng mas madami kesa sa nakaraang taon.Jersey number nya no.7 (nag-improve nga).Sa kaparehong taon, Fiesta daw sa knila. 1-game-trophy ang laban. Half Court.Blue team. 2nd place lng sila. Edad 11, batak na daw talaga siya sa laro (adik). Whole-court game, Orange team, jersey no.6, playing point guard. Maganda na daw talaga ang pinapakita nyang laro at nakakadami na ng puntos. Malakas ang team nila (kumbaga kinakatakutan). sa kasamaan palad. Natalo sila ng Red team para makapag laro sa Finals. At ang dahilan ng daw pagkatalo nila ang isang batang nagpilit ipasok para makapaglaro. Laking panghihinayang ng team daw nila. 3rd Place na may halong bigat sa damdamin (pang-NBA). Edad 12, sa ibang court (sa Open Court).Whole-court ang labanan. team-Kainan ang pangalan ng team nila, Jersey no.8 daw siya dahil kay Kobe Bryant na hanggang ngayon eh idolo nya. Point guard daw siya noon dahil siya ang pinaka-maliit sa team. Magaling ang mga naging kampi nya. Sila ang nagChampion sa buong laban.may extra liga pa daw siyang sinalihan, maliit daw na bola ang gamit. Edad 14. Napasabak ulit siya sa ibang Whole-court game tulad daw sa mga naunang kwento ang Venue (covered court). Team Violet.Jersey no.8. naging Star player na sya dito, yun nga lang sawi ang team nila. 4th placer ang dahilan. dahil sa kakamping bwakaw.  Sa ibang Liga naman sa Open Court, Team-Liwafi, jersey no.8. Champion with NO LOSSES. ito din ang kaunaunahan niyang MVP award (gumagaling nga talaga). Edad 15 naman daw, sumali siya sa team ng 76'ers. Jersey no. 24 naman daw siya dito (Kobe talaga itong batang ito). Champion ang 76'ers. Ito daw ang ikatlo niyang Champion na sunod-sunod. Naging Player din daw siya sa Cavite, siya daw ang naging pinakamadaming points noong game na iyon. At noong pauwi na daw sila binato daw siya ng isa sa mga kalabang team at iyon na daw ang huling laro niya ng liga sa Cavite. Edad 16. Umalis Siya sa team na 76'ers at Nagpalit na rin ng  pangalan ang team na iyon. Napunta siya sa Black team ang "Demons Team" at Jersey no.10 (sinunod nya daw sa numero ni kobe sa USA team dahil yun and design ng jersey nila). Umabot ng Championship ang game laban sa dating sinalihang team. Sa kasamaang palad natalo daw sila. Nag kataon kasi na kelangan daw niyang pumasok sa Iskwela. Umalis siya ng Game, 2nd quarter daw noon at lamang ng 16points laban sa kalaban nila at eksakto naman daw dumating ang sentro ng team nila. 1st placer lang daw ang team nila. May award siyang nakuha 5 of the best Players of Metical-5. Laking panghihinayang daw niya yun dahil naputol ang pagkasunod sunod niyang Champion (sayang). Napasali din siya ng palaro ng konsehal sa kanila jersey no.10 at black team. Bakasyon ng taong 2007, sumabak ulit siya sa liga. Nag-level-up na siya. Kinuha siya ng Team Bananapeel, mas mataas na division kesa sa mga kadalasang sinasalihang Liga. Siya ang pinakabata sa lahat ng manlalaro ng team. Siya din daw ang inaasahan na pumuntos. Jersey no.24 siya doon. Naging kabahagi siya ng Brgy.Team at nakapaglaro. Jersey no.9 siya doon (no choice). Naglaro din siya sa kabilang kalugar ng Liga ngunit bihira siya maglaro.Nag try-out din siya para mabilang sa manlalaro ng barangay team. Sa Inter-brgy. daw na laban na iyon ang pinaka mabigat niyang nagawa. nagkapuntos siya ng higit sa 35 points at may 7 3-points sa Game. Taong 2008 naman, sumali siya sa Team ibang team sa open court. Spain ang team nila. sila din ang nag Champion at madami daw siyang nagawang puntos. Sumali din sila sa karatig lugar, hindi daw sila nakakakuha ng award doon ngunit may Special award daw siyang nakuha ang Best in Guard (natawa ako dito kasi akala ko literal na gwardya siya). Taong 2009 - 2010 naman napabilang siya sa Team ulit ng Liwafi (kumpanya daw ng Ex nya). Nagpababa daw siya ng division. Pwede naman daw kasi sakto naman daw sa edad. Champion sila noon at sa kurapsyon walang special award na sana siya ang MVP (how sad).

Sa mga ibang laro naman, sa College, nag-try-out siya noong 1st year pa lang siya para amging player ng kolehiyo ngunit sa kasawiang palad hindi siya nakuha. Naglaro na lang siya sa Sportfest sa Department nila.
Sa unang sabak 1st placer sila. Noong 2nd year laglag agad. Noong 3rd year 1st placer at siya daw ang MVP (galing ). noong 4th year wala din nakuha pero nagtry-out na ulit siya sa kolehiyo at natanggap na.11 na siya noon dahil no choice ulit at sinunod na lang sa Monthsary ng GF.

Tapos bandang huli daw hindi naman niya na career ang ganung hilig kasi daw maliit siya 5"6' lang daw ang height nya pero athletic naman daw ang katawan.

Sabi niya sa akin gusto niya daw talaga maging basketball player.

pero ngayon nagB-BLOG na lang siya..

nilalathala ang mga Gustong ikwento
Playing point guard jersey no.24




~kwento ni Janz!

Biyernes, Abril 13, 2012

Masaya ka na ba??

Ito Malupet!

Masaya ka na ba na may napasaya ka kahit hindi ka masaya??

GAME! ganito lang yan eh, Para kang clown na kelangan mo pang magcostume na pang clown para sumaya ang iba pero para sayo trabaho mo lang yun at kelangan mong gawin. Ako Clown ako (hindi leteral na Clown sa mga Party), Clown ako sa totoong buhay ng tao, nagawa kong pasayahin ang pamilya ko sa pamamagitan ng kung anong kakayanan ko. Napasaya ko sila noong nakatapos ako ng Pag-aaral kahit hindi ko gusto ang course. Gusto kasi ni Erpat na makatapos ako kasi hindi sya nakapagtapos. Si Ermat din humiri, ganun din daw.




Ganito lang ulit yan, pagtapos mo magpasaya ng iba, siguro naman kaya mo na pasayahin sarili mo(hindi yung pagkukulong sa CR at magbubutas ng dingding ah). Kaya mo na bigyan ng pagkakataon ang sarili mo na iwasto kung ano ang gusto mo kung sisipagin ka lang naman, pero pag tamad ka talaga (yell!) salamat na lng sa pagbasa sa walang kwentang Blog na ito na napilitan akong gumawa kasi na boboring ako! :D


Kung minsan kelangan natin ng Inspirasyon. Ano ba ang Inspiration?? (aba ewan ko). Para sa akin ito yung nagbibigay sayo ng Lakas ng loob at tiwala sa sarili sa kung ano man ang pinagkakaabalahan mo. Iniaalay moang gawain mo o aktibidad para sa kung sino man ang insporasyon mo. Ako inspiration ko?? yung Future ko. Iniisip ko kasi na pag hindi ko gagawin yun, paano na lang yung gusto ko mangyari?. nasa akin ang desisyon at bandang huli nasa akin din ang huling halakhak (HAHAHAHA!).


Hindi masamang mag ka meron ng Inspirasyon, para nga naman mag karoon ng patutunguhan ang ginagawa mo pero kung para sa masama ang inspirasyon mo, e bahala ka na sa buhay mo kung itutuloy mo pa itong walang kwenta kong ginawa.


Sa Blog kong ito, kayo ang inspirasyon ko, ang mga baboy, baka, kuneho, centipede at luya. kayo lang ang nakakaintindi sa utak ko na hindi ko mahabol. Kaya kung may nasalubong kayong utak na pagala-gala, ipagbigay alam naman sa numerong ito 09156418914 o, at kelangan ko din ng textmate, kelangan ko kasi ng ibang klaseng inspirasyon.

kung boring ka, basahin mo!




~~ Janz.. (Thnx for simsimi)