Huwebes, Oktubre 11, 2012

The more stressed you are, the more you can't funciton.


October  10, 2012. 6:15am. Sa magulong bahay ng pamilya ko.

                Kakatapos ko lang mag asikaso para sa sarili at ready na ako para sa pagpasok ko sa pinapasukan kong opisina sa Ortigas. Malas na araw ata sa akin ito. Hindi sinasadyang nasagi ko ang electricfan namin at bumagsak. At sa pangalawang pagkakataon nabasag ulit ang elesi nito na kakabili lang wala pang isang lingo. Nagpaalam na ako kay ermat at inabisuhan ko siya na sundin ang sabi ng doctor niya. Siya lang ang naiwan sa bahay dahil kailangan naming pumasok ni erpat sa trabaho para mabuhay. At hinahabilin na lang namin sa asawa ng tito ko si ermat para maging katulong ni ermat.  May sakit si ermat at kelangan operahan sa gallbladder o abdo sa tagalog. Hindi muna pina-confine ng doctor si ermat dahil kaya pa naman nito maglakad at pwedeng sa bahay muna siya. Pabalik-balik si ermat sa ospital para sa mga ilang check-up. Naninilaw na daw si ermat at kailangan agad maoperhan sa lalong madaling panahon at kung hindi lalaki ang gallstone niya at maari itong bumara sa ugat at maaring maging mas malala ang problema. Nag-aalala ako para kay ermat at kailangan ko ng pera para sa magiging opersyon niya (sa mga test at examination pa lang niya kailangan na agad ng malaking pera). Nawala ako sa sarili. Nataranta ako. Naguluhan. Naiyak. Nalungkot. Nagpanic. Ang dati kong masayahin na mood tuwing umaga natabunan ng kaba at takot. Hindi ko alam kung saan pwedeng kumuha at mangutang ng pera sa pang opera. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at kakapit. Nagdasal ako. Humiling sa Kanya. Nagmakaawa sa Kanya. Nakiusap ako sa Kanya. Nanalig ako sa Kanya. Sabi ko sa Kanya na kailangan ko ng tulong pinansyal at pabutihin ang lagay ni ermat. Humingi ako ng tawad sa lahat ng nagawa ni ermat at ganun din sa akin.

October  10, 2012. 6:30am. Sa Tricyle (8 pesos ang bayad)

                Nag-iisip pa din ako kung paano at saan ako kukuha ng pera (wala ulit sa sarili). Nakautang na ako sa tita kong kong negosyanteng matalinong mabait na  maperang  librarian ngunit hindi sapat ito para sa gastusin sa ospital at sa operasyon. Kailangan ko ulit dumiskarte. Unang naisip ko habang gumegwang-gewang ang tricycle na sinakyan ko, umutang sa mga kasamahan ko sa trabaho. Kahit may tubo ok lang basta ang mahalaga eh maging ok si ermat. Pera lang yan kumpara sa buhay. Ang pera napapalitan ang buhay hindi.

October  10, 2012. 6:35am sa dinadaanan ko papuntang sakayan ng jeep (siguro mga 200 to 300 steps papunta doon at hind pa kasama ang pagtakbo.)

                Isip-isip ang utak ipis. Wala pa rin ako sa wisyo. Nagiisip pa rin ng paraan. Nakaisip ulit ako. Ito ay ang tawagan si tita Ludy (ang nanay ng tropa kong si athan o taba minsan ang tawag).  (wait lang tawid lang ako sa kalsada).

October  10, 2012. 6:45am. Sa jeep Byaheng Quiapo-Fairview (7pesos lang bayad, sasabihin ko “estudyante po, MRT lang”. Mukha naman kasi akong estudyante.hehe)

                Hindi na ako makaisip ng paraan. Natutulala na ako. Naisipan kong mag-soundtrip para mawala ang konting taranta ko pero naisip ko baka biglang ma-lowbat cellphone ko. naalala ko na pupunta pala si Ermat sa ospital ngayon at kailangan ng komunikasyon para malaman ko ang lagay niya. Tinabi ko na lang ulit ang earphone. At kumanta na lang ako sa isip ng Ballad of John and Yoko ng The Beatles. Basta yun na lang muna ang paraan na naisip ko. Stop na muna ang pag-iisip. Relax muna.

October  10, 2012. 7am. Sa napakahabang pila sa MRT.
                Habang nakapila, nakaisip ulit ako ng paraan. Ito ay ang mangutang  (bagong-bago noh?). mangungutang ulit ako. Yun lang talaga naisip ko. tuloy pa rin ang kanta ng The Beatles sa utak ko.  Nakasakay na ako sa patayang MRT. Habang umaandar ang MRT at titigil sa kada istasyon, andar tigil din utak ko sa pag-iisip ng paraan. Nakaisip ulit ako. Yun ay mangutang. Ayaw na gumana ng utak ko puro utang na lang ang laman (Chris you know it ain’t easy ,you know how hard it can be , the way things are going, they’re going to crucify me… kanta ulit sa utak).Tingin sa Cellphone. Dami na pa lang nagtitext sa akin. kinakamusta si ermat. Nakaisip ulit ako ng paraan, ang ibenta ang cellphone ko. kaso naisip ko kailangan ko ng komunikasyon sa mga kaibigan (next station Santolan Anapolis Station, maari lamang po humawak sa mga safety handrails, maraming salamat po?).  2 station na lang baba na ako. Nakaisip ulit ako. Ang magresign sa pinapasukan ko. Pero naisip ko na matagal pala makuha ang back-pay. Baka pag-resign ko, wala ng trabaho wala pang nanay. May naisip ulit ako. Yun na lang muna option ko. basta kelangan maoperahan si ermat para maging ok na siya.

October  10, 2012. 7:15am sa Shaw Blvd. Station.

                lakad.lakad. akyat.akyat. kuha ticket. Pasok ticket. Hatak ticket. Pasok ticket.lakad.lakad.baba.baba. Nakakapagod ang Shaw Blvd. Station pero mas nakakapagod ang mag-isip kung paano ko papahabain ang buhay ni ermat. Mahal ko ermat ko kaya gagawa ako ng paraan. Magiging maayos siya, yan na lang muna magiging pampalakas ko ng loob. Tinatatagan ko na ang sarili ko para sa kanya. Nakasabay ko pa si Cah at si Anne sa Kalsada naghihintay din ng masasakyan. Mahirap sumakay. Punuan ang mga jeep. Kaya iniwan ko na lang sila Cah sumabit na ako. Male-late na ko! (wait sakay na pala ako ng jeep, PARA!)

October  10, 2012. 7:25am sa Jeep byaheng Tanay. Nakasabit.

                Ang trapik. Ang init. Pero ganun pa man. Tuloy pa din sa kanta ang utak ko pamparelax (kanta ulit.. Chris you know it ain’t easy, you know how ha…bayad po oh!).  mabagal ang takbo ng jeep. Buhaya sa pasahero. Kaya isip ulit ng paraan. Isip.isip. Nanginig ulit cellphone ko sa bulsa, may nagtxt. Hinayaan ko na lang muna kasi nakasabit lang ako. Isip ulit ng paraan. Nanginig ulit si Cellphone. Pababa na ako ng jeep at sa wakas makikita ko na kung sino ang nagtext. Tropa ko si Angelo Luga kung tawagin sabi niya magaambagambagan na lang daw ang tropa. Yung isang nagtext number lang. binasa ko, sabi sa text , “papunta na kami ng ospital janz”, ay si ermat ito. Hindi pala nakasave number niya sa CP ko.  buti na lang nakahiram ako sa tita ko ng konting pera para sa walang katapusang check-up ni mama. Sa wakas nandito na ako sa opisina at sa wakas late na naman ako.  
October  10, 2012. 7:49am sa pinapasukan kong opisina.
                7:49am, hindi man lang umabot sa grace period (Trabaho muna wait lang). Skype ang gamit naming way sa communication sa opisina. Nag-lagay ako sa status box ko ng “dumaan na ako sa surgery ngayon si ermat naman,get well soon ma L”. Madaming nakapansin. madaming gustong magtanong. Madaming interesado. Sinagot ko naman lahat ng katanungan nila. May naawa, may nagbalewala, may matanong at may gustong tumulong. Una kong kinausap tungkol dito ang mga ka-close ko. Ramdam ko naman ang suporta nila at gusto nilang tumulong sa akin para mapa-opera ko si ermat. Alam nila na mahirap sa akin ang ganitong pagsubok. Dahil mag-isang anak lang ako at mahirap lang ako.  (wait lang ulit trabaho muna).

October 10, 2012. 9am sa opisina ulit, kakatapos lang mag-send ng report.

                Kinausap ako ni Erwin at Nheri (mga tropa ko sa kasiyahan dito sa office). Nagbigay sila ng advice dahil alam nila na wala din silang perang maipapahiram sa akin. naiintindihan ko naman yun. Sabi ni Erwin, try ko daw lumapit kay Ms.Klaren (Associate sa office). Agad ko namang ginawa. Kinapalan ko mukha ko. Kinausap ko siya at hindi naman siya nagwalang kibo. Kinuwento ko kay Ms.Klaren tungkol kay ermat. Nabanggit niya din o naitanong kung bakit siya ang nilapitan ko at sabi niya,”Weird lang at nilapitan ko siya at wala ng hiya hiya factor”. Sabi ko, kailangan ko na po talaga kasi ng pera pang opera ni ermat. Kalian pa ba ako kikilos? kapag nakahiga na si ermat na pantay ang paa sa malambot na higaan na hugis kahon?.  Nagbigay siya ng payo at gagawa daw siya ng paraan para makalikom ng pera . Nagpasalamat ako as kanya at natuwa sa sinabi niya dahil hindi ako nabigo sa paglapit sa kanya. Nagtuloy-tuloy ang usap namin. At pinayuhan ako na maging positibo dahil kung magiging negatibo ang pag-iisip ko lalo daw ako mahihirapan mag-isip ng paraan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, Segundo lang ang nakalipas ganun din ang sabi ni Cah. Pinapalakas nila ang loob ko dahil alam nila na mahirap ang sitwasyon ko. sabi naman ng grupo malapit sa upuan ko kung saan ako nagtratrabaho, maging positibo at pagsubok lang yan.

October 10, 2012. 2pm sa skype at cellphone.

Ang daming taong nagtitext at nag cha-chat sa akin kung kamusta daw ako at lagay ng ermat ko. May mga nagpayo at nagbigay ng tips para sa lagay ni ermat. Wala pa rin talaga ako sa mood. Ang tamlay ng buhay ko ngayon kumpara sa normal ko.
October 10, 2012. 4pm. Malapit ng mag-uwian

Hindi ko akalain na naglibot sa mga kaopisina si Ms.Klaren para makalikom ng pera para sa akin sa opisina. Hindi ko akalain na ganun ang mangyayari. Ang inaasahan ko, papautangin nya ako ng pera para sa operasyon at gamutan ni ermat. Pero mali pala. Nagtulong-tulong pala ang mga taga opisina kilala ko man o hindi, kaibigan ko man o hindi. Gulat na gulat ako sa mga nangyari. Pinakinggan ni Lord ang dasal ko.  Kaya pala ayaw ni dred na pauwiin ako agad para maibigay yung pera na nakolekta. Sobra ang pasasalamat ko sa kanila. Binigay na sa akin ni Des at Dred ang perang naipon at niyaya ako nila Wheng sa silid karunungan para ipagdasal ako at ang ermat ko. sinamahan ako ni Gem, Rhalp (matakaw na kalabaw), Erwin at Wheng . Dinasalan nila ako, nanampalataya sila at humingi ng tulong kay Lord. Hindi ko alam ang pakiramdam, basta halo-halong emosyon. Pasikretong naluha ako (secret lang toh ah) siguro dahil sobrang pasasalamat sa lahat ng tumulong para sa prayers, tulong pinansyal at sa supporta. 

October 10, 2012. 5pm. Biyahe pauwi at nakahinga ng maluwag sa mga taong sumuporta sa akin. SALAMAT ALL, SALAMAT LORD!

                Panahon pala ng sahod ngayon. Withdraw muna sa Bank. Sinagad ko na. Paguwi, dumaan ako sa Appliances repair shop sa Frisco (nasira nga kasi yung elesi ng electricfan di ba?) para bumili ng elesi. Nakabili naman ako. Kahit ang pangit ng kulay. May nagtext ulit sa akin, si ermat. Gusto niya daw ng Vegetable salad. Dumaan ako sa seven-eleven para bumili at nagmerienda na din. Pagkauwi ko sa bahay dala ang vegetable salad at ang elesi ng electricfan na pinagkasya ko sa bag kasi nakakahiyang dalhin. Nakita ko si ermat nakahiga at si erpat nakaupo. Hinihintay ata paguwi ko. kinuwento ko ang mga nangyari at binalita ko na nagbigay ang mga ka opisina ko ng tulong pinansyal. Paghugot ko ng sobre na pinaglagyan ng pera. Medjo magaan at nagtutunugan ang ilang barya. Pagbukas ko, OMG!! Nagulat ako. Laking tulong ito. Pati sila erpat at ermat nagulat at nagpasalamat. Kaya magpapasalamat din ako sa inyo. MARAMING MARAMING SALAMAT SA INYONG LAHAT. SA SUPORTA, TIWALA, PRAYERS, AT SA TULONG PINANSYAL. GOD BLESSES YOU ALL!

Sa ngayon under observation pa si ermat at kailangan muna aralin kung bakit siya naninilaw. Ang kinakatakot ng doctor ay baka nagkakomplikasyon na ang liver niya dahil sa namamagang gallbladder.  Keep praying for my mother ayokong mawalan ng nanay. Mag-isang anak lang ako at kailangan ko siya. Salamat ng madami sa inyo. 

+Janz+




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento